
Nakiisa ang Local Government Unit (LGU) of Pandan sa isinagawang 2nd Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kahandaan ng pamahalaan at komunidad sa mga sakuna dulot ng lindol.
Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Pandan Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard, at iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Isinagawa ang drill sa Municipal Hall of Pandan at sa mga itinakdang evacuation areas.
Nagsimula ang aktibidad sa isang orientation tungkol sa wastong pagtugon sa lindol, na sinundan ng pagsasagawa ng “Duck, Cover, and Hold” procedure, evacuation drill, search-and-rescue simulation, facility inspection, at damage assessment. Layunin ng mga pagsasanay na masubukan at mapahusay ang kahandaan, koordinasyon, at kakayahan ng mga responder at kawani ng pamahalaan sa pagtugon sa mga posibleng emergency.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, muling ipinakita ng LGU Pandan at ng mga katuwang na ahensya ang kanilang matatag na pangako sa pagpapaigting ng disaster preparedness, pagpapalakas ng inter-agency coordination, at pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat Pandananon sa harap ng anumang sakuna.








